Lab kita, Bambi
Nakangiting lumabas si KC mula sa
salon. Isang ngiting mapagkubli at napapalitan ng lungkot, minsan pa’y luha, sa
tuwing sumasagi sa isip niya ang isang alaala. Tinahak nito ang papunta sa sakayan ng jeep. Sa pagkakataong
iyon, dinadalaw na naman siya ng alaalang iyon, labing apat na taon na ang
lumipas.
********************
Ulilang lubos na si KC. Nasangkot
sa isang trahedya sa barko ang ama at ina noong apat na taon pa lamang siya.
Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang Lola Margaret na ina ng kanyang ama.
Bukod sa pagiging perfectionist
ay obsessed si Lola Margaret sa kagandahan. Sa katunayan, ito ang nagbigay ng
pangalan ni KC na Ken Carson na idinugtong sa apelyido nitong Santillan.
Nagmula ito sa sikat na manikang lalake na si Ken Sean Carson na sikat bilang
ka-partner ni Barbie at kauna-unahang lalakeng manika na inilabas noong 1961.
Noong dalaga pa si Lola Margaret ay nahilig din kasi ito sa Barbie.
Ibinigay ni Lola Margaret ang
lahat ng sa tingin ay makapagpapasaya sa apo. Maging mga laruan. Baril-barilan,
kotse-kotsehan at kung anu-ano pang laruang panlalake. Ngunit isang araw ay
nakita nito ang isang manikang Barbie na di sinasadyang mahulog ni Lola
Margaret mula sa kanyang tukador. Ito na lamang ang nag-iisang manika na
naisalba nil Lola Margaret sa mga koleksyon niya. Kinuha ito ng noon ay
dalawang taon na si KC at di na muling binitiwan pa. Kapag kinukuha ni Lola
Margaret ay hindi tumitigil ito sa kaiiyak.
Sa pagkakataong iyon ay muling
nanabik si Lola Margaret sa isang apong babae. Hinayaan niya si KC na laruin
ang manika, hindi niya ito pinigilan sa pag-aakalang magsasawa rin ang apo. Ngunit
lumaki si KC na hindi nagsasawa sa manika. Lumaki siyang iba sa mga
pangkaraniwang batang lalake.
Di nagtagal ay natanggap na rin
ni Lola Margaret na marahil ay si KC ang sagot sa kanyang pangarap na magkaroon
ng apong babae. Ngunit gaya ng karaniwang bata na iba sa karaniwan ay dumanas
rin si KC ng pambubuska mula sa iba. Sa murang edad niyang anim ay nakaranas na
si KC kung paano ang pagkatuwaan. Maliitin at bastusin ng mapanghusgang lipunan
dahil iba siya. Dumaan sa mga kapit-bahay at pagtulung-tulungang batuhin ng mga
batang walang magawa.
Matapos ang mga pangyayaring iyon
ay nakita na lang ni Lola Margaret isang hapon si KC na nakaupo sa harapan ng
salamin habang ginugupit nito ang buhok. Ginupit rin nito ang makukulay niyang
damit at walang itinira.
“Lola, bakit si Barbie
hinahangaan dahil maganda siya? Bakit ako, binabato? Sabi mo di ba magkamukha
kami?”
Wala nang naisagot si Lola Margaret sa apo.
Wala na rin nagawa ang matanda kundi ang lumaha habang nakayapos sa apong
walang paglagyan ang sidhi ng damdamin. Batid ng matanda na malaking parte ng
sugat ng apo ay nagmula sa sarili niyang mga kamay. Mula sa sarili niyang
kagustuhan. Mula sa makasarili niyang pangarap.
Karugtong ng kalungkutan ni KC ay
ang hindi inaasahang pagpanaw ni Lola Margaret. Dahil sa kalabuan ng mata,
aksidente nitong natapakan ang sabon habang naliligo isang umaga.
Naiwan si KC sa pamangkin ni Lola
Margaret na katiwala nito sa negosyo. Nabuhay si KC na ang tanging kaibigan ay
ang manika. Ito ang naging tangi niyang kalaro, kaibigan at karamay sa isang
mundong tahimik at puno ng kalungkutan.
********************
Lumipas ang halos isang taon, maliban
sa lungkot na patuloy na nananahan sa puso ni KC.
Gaya ng dati ay mag-isa pa rin itong
naglalaro ng paborito niyang Barbie sa ilalim ng bakuran
“Bata…”
Hindi pinansin ni KC ang pagtawag
ng batang kanina pa nagmamasid sa kanya mula sa labas ng bakuran ni Lola
Margaret..
”Bata!”
Kinalabit si KC ng isang bata sa
likuran niya na nakaakyat na pala ng gate nila ng di namamalayan. May hawak
itong isang action figure na isang pulang power ranger.
Gulat na lumingon si KC. May di
mawaring takot mula sa kanyang mga mata.
“Bakit hindi ka namamansin?”
tanong na batang lalake.
Pinagagalaw nito ang power ranger
habang kunwari ay ito ang nagsasalita.
“Hindi kasi ‘bata’ ang pangalan
ko” inosenteng sagot ni KC.
“Barbie ang pangalan ko” dugtong
nito.
Sa pagkakataong iyon, si KC naman
ang nagpapagalaw sa Barbie habang kunwari ay inakausap nito ang power ranger.
“Hi, Bambi. Ako nga pala si red
ranger”
“Hindi BAMBI… Barbie!”
“Sabi ko nga Bambi… BAMBI!”
“Ewan ko nga sa’yo. Bulol ka
naman pala red ranger, eh”
“Di bale na, gwapo naman!”
“Eh, naka-maskara ka kaya. Hindi
naman natatanggal ‘yan”
“Kaya nga. Pero kapag walang
maskara si red ranger, ganito ang itsura oh”
Nakangiti ang batang lalake
habang nakaturo sa sariling mukha ang isang hintuturo.
Tanging ngiti na lamang ang
naisukli ni KC sa tinuran ng bagong kakilala. Noon lamang napagtuunan ng pansin
ni Bambi ang itsura nito.
Natatakpan ng di pantay na bangs
nito ang kaliwang mata. Wala naman gaanong kakaiba sa mukha nito maliban na
lamang noong bigla itong ngumiti nang mapansing nakatitig sa kanya si KC.
Parang palakang biglang nagulat ang puso ni KC nang lumabas ang malalim nitong
dimples.
Natauhan si KC nang mapagtanto na
nanahimik ang bata.
“Ang ganda mo pala, Bambi”
“Ha?”
“Sabi ko, ang ganda mo pala
Bambi”
Bumilis ang tibok ng puso ni KC
habang natutulalang muli sa bata. Buong pag-aakala niya ay siya ang
pinatutungkulan ng sinabi nito. Nagising si Bambi sa katotohanan nang makita
niyang pinagagalaw-galaw ng bata ang hawak nitong si red ranger.
“Salamat, red ranger. Ikaw naman
ang gwapo”
“Ha?”
“Sabi ko ang gwapo mo naman, red
ranger! Bingi!”
“Pa’no mo nakita eh naka-maskara
ako?”
“Eh di ba sabi mo, pag walang maskara si red
ranger, ganyan ang itsura?”
Pagka-sabi noon ay itinuro ni KC
sa gawing mukha ng bata ang hintuturo niya. Tumawa si KC habang namumula ang
batang lalake. Umupo ito sa tabi niya at sinimulan siyang kilitiin.
Sa unang pagkakataon, naramdaman
ni KC kung paano ang magkaroon ng isang kaibigan, sa katauhan ng batang
kinikilala niya ngayon bilang red ranger. Simula ng araw na iyon, unti-unting
nagkaroon ng kulay ang mukha ni KC. At sa di kalayuan ay nakisalo sa saya ng
dalawang naghahabulang bata ang papalubog nang araw.
Halos dalawang buwan matapos ang
unang araw ng pagkakakilala nina KC at ng batang lalaki ay marami nang
natutunan si KC tungkol dito. Ang tunay pala nitong pangalan ay Jason. Ang
paboritong niyang power ranger ay si red ranger dahil kapangalan niya ang human
counterpart nito na Jason din ang pangalan. Nakatira si Jason sa kabilang
kanto, yun lang ang tanging alam ni KC. Basta ang alam niya, may hardin at puti
ang bahay nito. Ang tawag ng iba ay mansyon. Ang lola lang ni Jason ag kasama
niya doon dahil nasa Maynila ang mga magulang niya.
Isang hapon, gaya ng nakaugalian
ay pumunta na si Jason sa bakuran nina KC. Hawak nito si red ranger na
pinalilipad-lipad at tila ay nagpapapansin kay Bambi (nakasanayan na ni KC na
Bambi na rin ang itawag kay Barbie). Hindi ito pinansin ni Bambi hanggang sa
mapagod na si Jason at umupo na lang sa harap ni KC.
Noon ay abala si KC sa
pagda-damit kay Bambi ng isa na naman puting panyo.
“Bakit ka naka-suot ng panyo?”
“Hindi kaya ‘to panyo. Gown ‘to”
”Bakit ka naka-gown eh dito ka
lang naman sa bakuran n’yo?”
“Ikakasal na kasi ako… kaya lang
iniwan ako ng boyfriend ko eh”
Bago kasi dumating si Jason ay
nilalaro ni KC ang isang eksena sa kapapanood lamang niyang teleserye noong
isang araw.
“Ikaw, bakit ka nakapula?”
Halos matagal rin natigilan si
Jason para mag-isip ng isasagot kay KC.
“Balentayms (valentines) kasi
ngayon eh”
Biglang naging malungkot ang
mukha ni KC na parang siya na ang nagsasalita bilang si Bambi.
“Nakakalungkot naman. Valentayms
iniwan ako ng boyfriend ko”
Gumuhit ang mas malalim na
lungkot sa mukha ni KC. Sa pagkakataong ito ay parang katauhan na niya mismo
ang gumaganap na Bambi.
“Wag ka na malungkot Bambi. Gusto
mo tayo na lang mag-date?”
Nakangiting tugon ni red ranger habang
kunwari ay tinatapik sa likod ang laruang si Barbie.
“Tayo magde-date? Saan?”
“Dun sa garden, sa may puting
mansyon!”
Nanlaki ang mga mata ni KC nang
marinig ang tinuran ni Jason. Sigurado siyang ang putting bahay na tinutukoy
nito ay ang totoong bahay ni Jason.
“Ha? Saan yun? Baka malayo”
Kunwari ay tumalikod pa si Bambi
na nagpapakipot at ayaw sumama.
“Hindi. Ako ang bahala. Halika
na!”
Inilapit ni Jason ang kamay ni
red ranger sa kamay ni Bambi. Kunwari ay inagaw nito ang kamay ni Bambi at
hinihila ito. Dinala ni Jason ang dalawang laruan gamit ang kaliwang kamay
nito. At ang kanan ay inihawak sa kamay ni KC habang naglalakad sila isang
hapon na papalubog na naman muli ang araw.
“Dito ako nakatira, ito ang
hardin namin”
“Wow, mansyon nga pala talaga ang
bahay mo red ranger!”
Ipinasyal ni Jason si KC maging
sa loob ng puting mansyon. Halos hindi mapakali ang mga mata ni KC sa kung ano
ang uunahing magmasdan sa loob. Matagal rin silang naglibot sa loob kasama na
rito ang pagpapakilala ni Jason kay KC sa kanyang Lola. Sa kasiyahan ay di
napigilan ni KC ang maluha dahil naalala niya ang kanyang Lola Margaret.
“Buti ka pa may Lola pa. Pati
Mama at Papa kahit nasa Maynila. Ako kahit isa wala na”
Ngayon na lang muli tumulo ang luha
mula sa mga mata ni KC.
“Tahan na, Bambi”
Pinahid ni Jason ang natitirang
luha sa pisngi ni KC. Sadyang nakasanayan na rin talaga nilang tawagin ang
isa’t-isa gamit ang mga pangalan ng laruang madalas nilang laruin magkasama.
Nakaupo sa may damuhan ang mga
laruang sina Bambi at red ranger. Sinusulit ang isang gabing date na gawa nina
KC at Jason. Habang ang magkaibigan ay tahimik na nakahiga sa damuhan katabi ng
kanilang mga laruan.
Tumayo si Jason mula sa
pagkakahiga at tumakbo patungo sa mga halamanan. Pagbalik ay may dala na itong
pinitas na mga bulaklak ng sampaguita at ilang pirasong santan.
“Bambi halika laro na ulit tayo”
“Anong gagawin mo d’yan sa mga
bulaklak?”
Nagtanong si KC habang tumatayo
mula sa pagkakahiga sa damuhan.
“Nakatikim ka na ba na santan?”
pagtatanong ni Jason habang hinihila ang parte ng santan na may matamis na
katas.
“Ha? Kinakain ba yan? Bulaklak
yan eh”
“Matamis kayo ito, Bambi. Heto
tikman mo”
Iniabot ni Jason kay KC ang
hinilang parte ng santan na may katas. Marahan itong inilagay ni KC sa bibig
habang pinagmamasdan siya ni Jason na sabik na sabik sa magiging reaksyon ng
kaibigan.
“Antamis!”
Nakailang pitas rin si KC bago pa
man magsawa sa matamis na katas ng santan. Napansin nito ang hawak ni Jason na
bulaklak ng sampaguita.
“Pwede rin ba yan kainin? Matamis
rin ba yan?”
“Ah, hindi Bambi. Para ‘to kay
Bambi”
“Para sa akin?” nagtataka ngunit
nananabik na tanong ni KC.
“Hindi, para sa manikang Bambi!”
“Di ba kaya naka-suot na puting
panyo si Bambi ay dahil ikakasal na dapat siya?”
“Oo. Kaya lang iniwan siya ng
boypren nya”
“Gusto mo si Bambi at red ranger
na lang ang magpakasal?”
Nabigla si KC sa sinabing iyon ni
Jason. Pakiramdam niya, gaya noong sa mga teleserye, ay siya ang inaalok nito
ng kasal. Parang kinikiliti ang puso ni KC ng mga panahong iyon. Kung ano ang
tawag sa kiliting iyon natulad ng pakiramdam kapag nakikiliti ka sa mga damong
ligaw, hindi niya alam. Basta may kiliti sa dibdib niyang nakakapagpabilis ng
tibok ng puso niya sa tuwing kasama niya si Jason, o si red ranger, o sinuman
sa kanilang dalawa.
Nang gabing iyon ay napuno ng
pinitas na sampaguita ang buong hardin. Hawak ng laruang Bambi ang isang tumpok
ng sampaguita gaya noong sa mga kinakasal. Naglalakad itong suot ang panyong ginawang
wedding gown habang ang groom na si red ranger ay suot pa rin ang costume
nitong pula sa pagmamartsa sa damuhang itinuring ng dalawang isang malaking
altar.
Ng gabing iyon isang tag-init ng
taong 1997 ay umusbong na parang isang sisidlan ang pag-ibig sa puso ni KC. Ang
sabi niya, nakikiliti ang puso niya sa tuwing kasama niya si Jason. Yung
kiliting tulad ng kiliting dulot ng damong ligaw sa hardin. Kung anuman ang
pakiramdam na iyon, hindi niya lubos maintindihan.
********************
Maagang nagising si KC upang
maagang makapunta kina Jason para makapaglaro. Sosorpresahin niya ito. Lagi na
lang kasi si Jason ang pumupunta sa bakuran nila para maglaro. Sa pagkakataong
ito, siya naman. Pagkatapos mag-almusal ay dali-daling kinuha ni KC ang
manikang si Bambi.
Wala pang sampung minuto ay
nakarating na siya sa labas ng puting mansyon. Ngunit bago pa man siya
makapasok ay nakita niya ang isang malaking kotse na papalabas mula sa gate ng
puting mansyon. Tumigil ito sa harapan niya at mula roon ay bumaba si Jason
hawak si red ranger.
“Bambi, kailangan ko ng umalis”
“Ha? Bakit?”
Di pa man nakakasagot si Jason ay
tumulo na ang luha sa mga mata ni KC. Si Jason ay
humihikbing mukhang
kagagaling lang din sa pag-iyak.
“Malapit na ang pasukan at doon
ako sa Maynila pinag-aaral”
“May eskwelahan rin naman dito,
hindi ba pwedeng dito ka na lang?”
“Hindi Bambi. Doon ako gusto
pag-aralin ng mommy at daddy ko”
“Paano na ko?”
“Babalik ako Bambi”
“Kelan?”
“Hindi ko alam”
Bunuhos nang parang isang ayaw
papigil na ulan ang mga luha sa mata ni KC. Hindi na rin napigilan ng sariling
mga mata ni Jason ang bigat ng damdamin.
Nagmamadaling inalis ni KC ang
panyong ginawa niyang gown ng manikang si Bambi. Mabilis itong tinupi at
inihabol kay Jason na muli nang papasakay sa sa sasakyan.
“Dalhin mo ito pag balik mo dito…
para maalala kita… kasi pag balik mo rito, malamang pareho na tayong malaki”
Humihikbing pang namaalam si KC
kay Jason sabay yapos dito ng mahigpit.
“Lab kita, Bambi… babalik ako”
********************
Nagmumura pa rin sa init ang tanghaling iyon matapos pumunta
ni KC sa salon. Habang umaandar ang jeep ay tulala siyang tila black ang white
ang lahat ng nakikita. Halos mapaluha siyang muli sa alaalang iyon ng lumipas
na labing apat na taon.
Hindi siya nagkamali. Habang naroon siya sa puting bahay na
bagama’t pinaglipasan na ng panahon ay nananatili pa ring sariwa at mukhang
alagang-alaga ng caretaker ng
pamilyang minsan ay nakatira doon. Gaya ng mga alala ng kabataan niyang sariwa
pa rin sa isipan niya. Ang alaala ni Bambi at ni red ranger na naglalaro sa
isang sulok ng hardin noon (na ngayon ay simpleng bakuran na lamang). Wala na
ang halaman ng sampaguita. Wala na rin ang matamis na santan. Wala na ang
nangingiliting damo. Tanging ang puting mansyon at ang mga alaalang patuloy na
naglalaro sa apat na sulok nito na lamang ang natira.
Hindi alintana ni Bambi ang init. Mas gusto pa nga niya ang
ganoon. Kesa umuulan at lalo siyang nalulungkot.
Naalalang lahat ni Bambi. Tumulo ang luha nito.
Bahagyang nagulat si Bambi nang may isang kamay na biglang
pumatong sa balikat niya. Mabigat ang kamay ngunit hindi maipaliwanag ni Bambi
ang naramdamang gaan ng loob ng mga oras na iyon. Para siyang isang lantang dahon na nahuhulog mula sa
natutuyong puno at tinatangay ng hangin patungo sa kung saan.
Lumingon siya sa pinagmulan ng kamay sa bandang likuran niya
at hindi sinasadyang masagi ng kanang braso niya ang isa pang kamay ng nagmamay-ari
ng kamay na nakapatong sa balikat niya. May hawak itong puting panyo na tila ay
iniaalok sa kanya. Natigilan siya. Kinutuban at hindi magawang ialis sa pagkakayuko
ang mukha niyang noon ay natutuyuan na ng luha.
“Tahan na… Bambi…”
Tumaas ang balahibo ni Bambi na tila ba ay nagising mula sa
isang matagal at mahimbing na pagkakatulog nang marinig ang pangalang iyon.
Bambi. Tinawag siyang Bambi. Walang ibang nakakaalam ng pangalang iyon maliban
sa sarili niya at kay red ranger. Labing apat na taon din niyang hindi narinig
ang pangalang iyon, maliban sa sarili.
Marahang itinaas ni Bambi ang mukha na di malaman kung
nananabik ba ang sarili na masiguradong tama ang kutob niya kung sino ang
nilalang na iyon sa kanyang likuran o natatakot na baka nagkakamali lang siya.
“Hindi ko inasahang dito kita madaratnan. Anong ginagawa mo
rito?
Walang ibang naisagot si KC kundi isang mahigpit na yakap
kay Jason.
“Alam kong babalik ka. Naniwala akong babalik ka”
Tumulong muli ang mga luha sa mata ni KC. Sa pagkakataong
iyon, luhang may kasamang ngiti. Ngunit pagmulat nang muli ng kanyang mga mata
ay naaninag niya ang isang magandang babae na may kargang isang bata na
malamang ay nasa tatlong taong gulang.
“Ang asawa ko nga pala Bambi, si Jamie. At anak namin, si
Allan”
Parang gumuhong bigla ang mundo ni KC. Nangangapal ang
kanyang ulo. Gusto niyang umiyak ngunit tila ay wala nang luhang ilalabas.
Gusto niyang sumabog. Gusto niyang maglaho.
Ngunit wala siyang ibang nagawa kundi ang ngumiti at batiin
ang asawa at anak ni Jason. Sa kaibuturan ng puso niya ay may isang nilalang na
gustong sumigaw at magwala. Mabuti at nagawa niyang pigilin ang sarili at
magpakahinahon.
Inimbitahan siya ni Jason para mananghalian sa puting
mansyon kung saan sila magbabakasyon ng mag-anak. Tutal ay biglang bummuos ang
ulan na parang nananadya. Itinago ni KC ang nararamdaman kasama ang labing apat
na taong alalaala. Hindi na muling binanggit pa kay Jason ang nakaraang
punung-puno ng pag-asa at paghihintay.
Tumila na ang ulan. Tumila na rin ang pag-agos mula sa mga
mata ni KC. Ngunit gaya ng panahon, hindi niya alintana kung kailan muling
papatak ang mga luhang iyon na dulot ng pag-ibig niya kay red ranger, o kay
Jason, o kung sinuman sa kanilang dalawa. Tanging ang nasa isip niya ay pumatak
man muli ang masaganang luha mula sa mga mata niya ay titila rin ito, kahit
hindi man pang-habang buhay.
Habang naglalakad palabas mula sa puting mansyon ay
ipinangako ni KC sa sarili na hindi na siya muling lilingon pa. Siguro nga,
minsan, may mga pagbabalik na itinadhana hindi upang magpatuloy ang kung anuman
ang naudlot. Minsan, marahil, ang pabbabalik ay inilalaan para tuldukan ng
katotohanan ang mga pagnanais nating dulot ng naudlot na nakaraan.
#
ito ay opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards Year 3
No comments:
Post a Comment