Monday, July 26, 2010

MARAMI PA 'KONG UUBUSING TINTA!

Kapag kailangan mo ng kausap at wala kang makakausap, buksan mo ang bintana. 
Ipikit mo ang mata mo at ramdamin ang malamig na hangin; isipin mong may buhay din ito kagaya mo.
Magtanong ka, at isipin mong bawat haplos nito sa balat mo ay ang tinig nitong sasagot sa mga katanungan mo.







Minsan naitanong ko sa hangin:

"Kailan ba tumitigil sa pagsusulat ang isa malayang manunulat, at kung kailan ba n'ya dapat tanggapin na hindi s'ya para sa papel. Marahil sa medisina, sa pagtatanghal, sa pulitika, o kung nasaan man ang kakayanan n'ya; kahit wala roon ang puso n'ya.
 May mga tao kasing pinipilit ang sarili nila sa mga bagay na 'di talaga para sa kanila."

Sumagot ang hangin:

"Malalaman mo na hindi para sa'yo ang pagsusulat kung daan-daang pahina na ng papel ang napuno mo at galon-galon na ng tinta ang naubos mo, at napansin mong ikaw at ikaw lang ang bumabasa, napapaligaya, at nakaka-relate sa sarili mong mga kwento; sa nilalaman ng diwa mo; sa mga pangarap na ang tinta lang ng bolpen mo ang may kakayanang tumupad; ng mga nararamdaman mong ang papel lang ang siyang makakaintindi; ng mga pantasya mong ang papel lang ang matyagang nakikinig; at mga alaalang gusto mong balik-balikan."

Ito ang pinaniwalaan ko noong una, kaya tumigil ako sa pagsusulat. Tama ang sagot ng hangin.
Bakit ka pa magsusulat kung sarili mo rin lang ang babasa, kung sarili mo rin lang ang makaka-appreciate sa bawat nilalaman ng isip ko na isinasalin ko sa papel.

Nagdaan ang ilang buwan, o ang ilang araw, na 'di ko na mabilang. Basta ang alam ko, isang araw, naghanap ako ng bolpen at papel. Para akong naghahanap ng ulam na matagal ko nang di natitikman. 

Noong nasa kamay ko na ang bolpen at nasa harap ko na ang papel, tinitigan ko lang. Ayoko ng white space. Ayoko ng masyadong malinis. Ayoko ng walang marka. At gaya ng nangangating balat, mahirap pigilin na huwag ito kamutin. Ang papel ang balat ko, ang bolpen ang pang-kamot. Kaya kinamot ko ang papel gamit ang pang-kamot na nararapat sa kanya - ang bolpen.

Nagdaaang muli ang malamig na hangin, pumasok sa tenga at kinalabit ang isipan ko.

"Bakit ka nagsusulat? Di ba sabi mo, wala naman gustong bumasa sa mga isinusulat mo?"

Sabi ko sa hangin, mahirap pala pigilan ang nangangating kamay. Napagtanto ko na di naman ako dapat magsulat para sa ibang tao, kundi para sa sarili ko. Para sa nilalaman ng isip at puso na gustong kumawala. Kung mangyari man na wala pa rin magbasa, hindi bale at napaligaya ko ang sarili ko.

Nagsusulat ang isang manunulat para sa sarili n'ya, higit kanino man.

May mga bagay rin sa mundo na babawiin sa'yo ng pagtanda. Tulad ng alaala. 'Di kalaunan,ang mga prutas na inalagaan at iningatan mo, kung hindi kakainin ay siyang mabubulok.  Kaya hangga't maaga pa, walang masama kung iipunin  mo sa papel ang mga alaalang gusto mong mahalukay pagdating ng panahon. Sa panahong 'di na kaya ng kamay mo magsulat. Kapag ang mata mo na lang ang siyang may kakayanang gumalaw at magbasa. Kung mamalasin pa nga ay baka mabulag pa dulot ng katandaan.

Lakasan mo ang loob mo.
Kunin mo ang bolpen at kamutin ang nangangating papel.
Hindi mo dapat isipin ang pangungutya.
Isipin mo ang makapagpapaligaya sa'yo.

At sabihin mong:

MARAMI PA 'KONG UUBUSING TINTA!