Friday, October 1, 2010

QUIB

Gabi.

Nakaupo si RJ sa gilid ng kama. Nakasandal ang likod sa malambot na unan na nakaharang sa malamig na pader. Nakatingalang pinagmamasdan ang ginagawang bagong gusali sa di kalayuan. Magandang tanawin iyon mula sa bintana ng silid, lalo na ang liwanag ng mga ilaw doon.


Malungkot si RJ. Pasulyap-sulyap sa celfone na nakapatong din sa kama. Ang 'di pagtunog nito ang nagpapalungkot sa kanya habang naghihintay pa rin na may dumating na mensahe doon.

Madilim.
Tahimik.
Malungkot.

Sa ganoong pagkakataon ay may biglang sumusulpot na nilalang -- si QUIB.

Dilim. Katahimikan. Lungkot. Ang mga ito ang bumubuhay sa nilalang. Napansin ni RJ ang biglang paglitaw nito, ngunit di na ikinagulat. Madalas nga'y bago pa man ang pagdating nito'y inaasahan na nya. Alam n'ya kung kailan nagigising ang nilalang.

Pinakatitig-titigan nito ang mga mata ni RJ at kinakitaan ito ng malubhang pagkabagabag. Di na nakatiis pa.

QUIB: Hayaan mo na 'yon. Move on.
RJ: Ha?
Q: Sabi ko, wag ka na umasa. 'Di lang sa text n'ya kundi pati na rin mismo sa kanya. Ilang beses ka na pinaasa di ba?
R: Isa.
Q: Isang beses?
R: Hindi, isang taon.
Q: O tignan mo. Wala ring nangyari.
R: Nami-miss ko lang naman.
Q: Kaya ka nalulungkot dahil miss mo?
R: Ewan.
Q: Pagkatapos, iti-text mo. Tapos pag nagreply at pinakitaan ka nanaman ng maganda, kikiligin ka. Tapos aasa ka hanggang sa umasa ka nanaman sa wala. Tama?
R: Ewan.
Q: Di ka na nadala. Lahat na ata ng kasabay mong ma-heart broken noon naka-move on na. Ikaw na lang ang hindi. Lahat sila pasulong. Ikaw balik nang balik sa nakaraan. Hanggang kelan?
R: Ewan ko.
Q: Puro ka nanaman ewan. Yan na lang ba ang isasagot mo sa lahat?!
R: Tuwing susulpot ka kasi lagi mo na lang ako kinokontra!
Q: Aba! Natural. Ako ay ALTER EGO mo! Gustuhin MO man o hindi, gustuhin KO man o hindi, wala akong magagawa kundi kontrahin ka talaga. Kung bakit ba naman kasi nag-emo ka pa d'yan, nagising tuloy ako. Nagigising ako kapag nalulungkot ka.

Natawa si RJ.
Tumayo at binuksan ang ilaw.
Binuksan at inilakas ang TV.

Unti-unti, naglaho si QUIB sa liwanag at ingay.

No comments:

Post a Comment